pinangalanan kong Markang Putik ang isang blog ko
sapagkat iyon ang marka ko, ang putikang ako
mabaho, amoy putik, madulas daw, aburido
subalit ako'y simpleng ako, karaniwang tao
ilang beses nang iwing buhay na'y biglang tumirik
muntik-muntikan ang disgrasya, oo, muntik-muntik
mabuti na lang ang utak ko'y di patumpik-tumpik
naiwasan din iyon bago pa mapatahimik
ngunit kung ako'y putik ay kakaiba ang diwa
pinagsamang PUlitika't paniTIK ang salita
oo, may pulitika sa bawat akda ko't paksa
na nilalambungan ng anino ng laksang dukha
lumubog man sa putik o gumapang man sa lusak
gumulong, magurlisan, o sa likod may tumarak
ako'y babangon at babangon kung saan nasadlak
titiyakin kong makaahon saanman bumagsak
tulad ng putik, dapat ingat rin, baka madulas
lalo't ang tinatahak ay di madaanang landas
tungo sa pangarap na lipunang lahat ay patas
walang pagsasamantala, bawat isa'y parehas
- gregbituinjr.
halagap - pagkapa sa dilim habang naghahanap ng anumang bagay; pagsagap sa bula at dumi ng sabaw ng pagkain sa pamamagitan ng malaking kutsara; tila duming namumuo sa ibabaw ng pinakuluang karne at buto (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 425)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
-
PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunit...
-
KAPE'T TULA SA UMAGA tuwina'y kape't tula ang almusal ng makata bago umalis ng bahay at maglingkod sa dukha bago kumilos sa kals...
-
inihahanda ang sibuyas, diwa'y naglalaro tangan ang kutsilyong ginayat iyon ng manipis para sa adobo, sa diwa'y may ilang nabuo p...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento