LUMAKI AKONG NAGBABAHA SA SAMPALOC, MAYNILA PAG MAY BAGYO
asahan mo nang baha sa Sampaloc pag nagbagyo
kaya bata pa lang ako, pagbaha'y nagisnan ko
pinapasok ang loob ng bahay ng tubig-sigwa
bibili nga ng pandesal ay lulusong sa baha
ilang beses palutang-lutang ang tanim ni Ina
kinakapa ko sa baha tanim niyang orkidya
pag may bibilhin sa tindahan, ako ang lulusong
dapat alam mo saan may butas nang di mahulog
nasa kinder pa lamang ako'y akin nang nagisnan
na isang malaking ilog ang highway ng Nagtahan
bababa kami noon ng dyip galing sa Bustillos
pakiwari ko'y kahoy pa ang tulay doong lubos
matapos naman masunog ang likod-bahay namin
sinemento na ang Nagtahan nang ito't tawirin
upang pumasok sa eskwela, maputik ang landas
kaya suot kong sapatos ay may putik madalas
subalit laging nagbabaha pa rin sa Sampaloc
kaya nagbobota pag sa eskwela na'y papasok
pinataasan na ni Ama ang sahig ng bahay
ngunit ang lugar ng Sampaloc ay mababang tunay
sa nakaraang bagyong Carina, muling lumubog
ang aming bahay nang pumasok ang baha sa loob
nagbabalik ang alaala noong ako'y bata
na ako nga pala'y lumaki sa bagyo't pagbaha
- gregoriovbituinjr.
07.27.2024
* litrato ay screenshot sa selpon, mula sa GMA News, Hulyo 24, 2024
halagap - pagkapa sa dilim habang naghahanap ng anumang bagay; pagsagap sa bula at dumi ng sabaw ng pagkain sa pamamagitan ng malaking kutsara; tila duming namumuo sa ibabaw ng pinakuluang karne at buto (mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 425)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
-
PAGBIGKAS NG TULA SA PEOPLE POWER MONUMENT Ikalima ng hapon, sa harap ng People Power Monument, kasabay ng pagkilos ng mamamayan sa paggunit...
-
KAPE'T TULA SA UMAGA tuwina'y kape't tula ang almusal ng makata bago umalis ng bahay at maglingkod sa dukha bago kumilos sa kals...
-
inihahanda ang sibuyas, diwa'y naglalaro tangan ang kutsilyong ginayat iyon ng manipis para sa adobo, sa diwa'y may ilang nabuo p...

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento